“Tayo ay iisang lahi na pinagbubuklod ng isang wika.”
Ito ang naging mensahe ng Punongguro, Gng. Maria Carmela Santos-Ong, sa paglulunsad ng Buwan ng Wika sa MDSF Gymnasium noong Huwebes, Agosto 22.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang diin ni Principal Maria Carmela Santos-Ong ang kahalagahan ng pagmamahal at pagpapahalaga sa wikang Filipino.
“Gamitin natin ang pagkakataong ito upang mas lalo pang mahalin at pahalagahan ang wikang Filipino,” ani Gng. Santos-Ong.
Ipinakilala ni G. Jomar Dela Cruz, Ikalawang Punongguro sa mga Gawaing Pang-Akademiko, ang mga guro sa Filipino mula una hanggang ikaanim na baitang, na pinamunuan ng kanilang Subject Area Supervisor na si Bb. Andrea Punzalan.
Pinangunahan naman ng mga guro sa Filipino na sina Bb. Janelle Montemor at Gng. Angel Labao, ang daloy ng programa, samantalang si Bb. Queen Ara Dela Cruz ang nagbigay ng pambungad na panalangin na sinundan ng pambansang awit na kinumpasan ni Gng. Mabelle Bayani.
Kasunod nito, nagsagawa ng mga biglaang paligsahan ang bawat baitang kung saan lumahok sila sa mga laro ng pagsasalin, hulaan ng pambansang simbolo, idyomatikong ekspresyon, pilipit-dila, at bugtong-bugtong.
Bilang bahagi rin ng pagdiriwang, nagpakitang-gilas ang mga mag-aaral sa kanilang inihandang natatanging bilang na kanilang walang sawang inensayo sa buong buwan ng Agosto. Sinayaw ng mga mag-aaral sa lower grades ang awiting “Pinoy Ako,” habang ang upper-grade school naman ay umindak sa kantang “Mga Kababayan Ko.”
Sa pagtatapos ng programa, ginawaran ng mga parangal ng mga Ikalawang Punongguro ang mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak. Ang Ikalawang Punongguro sa mga Gawaing Pang-mag-aaral na si Christian Anthony Valino ang nagbahagi ng kanyang pangwakas na pananalita, kung saan pinasalamatan niya ang lahat at itinanim sa puso ng bawat isa ang kahalagahan ng pagdiriwang sa ating kasarinlan.
“Hindi natin dapat kalimutan ang ating sariling wika dahil ito ang patunay na tayo ay malayang Pilipino,” ani Valino.