Ika-27 ng Agosto, 2021 muling ipinagdiwang ng mga mag-aaral sa departamento ng Pre-elementarya ang Buwan ng Wika. Ang pagdiriwang ay may mga temang “Sayaw ng Batang Pinoy para sa Junior Casa, “Awit ng Batang Pinoy” para sa Advanced Casa at “Tula ng Batang Pinoy” para sa Kindergarten. Isinagawa rin ang ilan sa mga palarong Pinoy na talaga namang kinaaliwan at kinawilihan ng ating mga mag-aaral at ng kani-kanilang pamilya. Kasabay ng pagrerecord ng kanya-kanyang mga bidyo habang naglalaro, sumasayaw, umaawit at tumutula ang mga bata sa bahay, ay ang paghahanap ng magagandang pambansang kasuotan na nagbigay kasabikan at kulay hindi lang sa ating mga mag-aaral, lalo’t higit sa ating mga guro at mga magulang. Ang araw at buwan na ito ay napuno muli ng pag-asa, pagkakaisa at pag-ibig para sa ating kultura at katutubong wika sa gitna ng pandemya. Napakasarap mapanood na kahit sa online na paraan, ibinubukas natin ang mga murang kaisipan ng mga mag aaral sa pagbigkas ng mga Pilipinong salita at ipinapaalam na tayo ay isang bansang may sariling wika at kultura.
Ang mga mag aaral kasama ang kanilang mga guro sa Junior Casa, Advanced Casa at Kindergarten ay masasayang dumalo sa kanilang virtual meeting. Hinikayat ng mga guro ang mga mag-aaral na kantahin ang pambansang awit, ang Lupang Hinirang, nang may buong paggalang. Kahit ang iba ay nahirapan sa pagbigkas ng mga liriko, makikita na lahat sila ay natuto kung paano ang wastong pag-awit nito. Suot rin ang kanilang makukulay na kimona, baro at saya, kamisa de chino, barong at itim na pambaba o pantalon, ang bawat isa ay talagang nag-abang na matunghayan ang kanilang inihandang bidyo. Ang mga bidyong ito ay nagpapakita ng iba’t ibang katutubong sayaw tulad ng Itik-Itik at Tinikling, awiting pambata tulad ng “Ako ay may Lobo”, “Bahay Kubo”, “Pamilyang Daliri”, at iba pa at syempre mga tulang pambata tulad ng “Ako’y may Alaga”, “Batang Munti”, “Ang Aking Ina”, “Ang Watawat”, “Bahagi ng Katawan” at iba pa. Iyan ay ilan lamang sa mga panitikang pang Pilipinas na nagpapaalala ng ating sariling wika na nagbibigay aral lalo at higit sa ating mahal na mga mag-aaral mula pa noon hanggang magpasa ngayon. Talagang walang katulad ang mga gawa at talento ng pinoy, kailan man ay hindi maluluma! Bata man o matanda. Lahat tayo ay ay taglay ang kakayahan para lalo pang pagyamanin ang sariling atin!
Dahil rin sa programang ito, ang ilan sa mga mag aaral na namulat sa wikang Ingles ay natuto ng mga salitang Tagalog tulad ng “Salamat po”., “Magandang umaga po”. at “Paalam”. Ang mga namulat sa gadget ay nakaranas na tumakbo, lumundag at tumawa habang naglalaro ng mga Palarong Pinoy tulad ng “Sungka”, “Piko”, “Luksong Tinik at Luksong Baka”, “Taguan”, “Patintero” at marami pang iba. Nagkaroon din ng pagkakataon na maalis ang atensyon ng bawat mag-aaral at magulang sa pandemya at muling maalala ang nakaraan kung saan maari pa rin pala na maglaro ng Filipino traditional games kasama ang buong pamilya sa kabila ng napakaraming safety protocols at limitadong pamumuhay. Kahit sa sandaling oras, ang mga mag-aaral sa MDSF sa pre-elementarya kasama ang kanilang pamilya at mga guro ay buong saya at tagumpay na naidaos ang pride ng pagiging isang Pinoy! Sabi nga ng isa sa magulang mula sa Junior Casa, “Thank you teacher, napakasarap balikan ang ganitong mga karanasan, yung mga laro at panitikang Pilipino na minsan kong nagamit para makibagay sa ibang tao. Ngayon nararanasan at natututuhan na rin ng anak ko!”
Pagbati para sa ating mga mag aaral, mga magulang at mga guro na magkakatuwang sa paglinang sa susunod na henerasyon. Hindi matatawaran ang pagpapagal at pagmamahal ninyo. Isa na namang matagumpay at hindi makakalimutang selebrasyon ng Buwan ng Wika ang naihandog natin para sa ating mga mag aaral.
Mabuhay kayo, mga batang Sagradan!
Ni: Gng. Brigitte Rose R. Santos