Ngayong may COVID 19 pandemic crisis, isang malaking hamon talaga ang pag-iwas sa bagot ngayong nasa ilalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at total lockdown ang ilang lugar sa Pilipinas. Ngunit, para sa ilang mga Sagradan, madaling hanapan ng solusyon ang bagot—gawing busy ang sarili.
Sa isinagawang online survey ng Ang Sagradan, lumalabas na may pitong gawain na siyang ginagawa ng mga Sagradan upang hindi mabagot sa bahay. Binigyan ng pagkakataon ang bawat mag-aaral na magbigay ng limang bagay na kanilang ginagawa upang maiwasan ang pagkabagot. Sa mga nakalap na sagot mula sa 300 na mag-aaral mula sa high school, nanguna sa listahan ang pangangalaga sa katawan na may kabuuang bilang na 247. Kaugnay nito ang pag-eehersisyo, pagkain ng masusustansyang pagkain, at pagtulog.
Para kay Zeth J. Quiambao (7-Modesty), Palarong Pambansa Gold Medalist, mahalaga ang pangangalaga sa katawan lalo na sa atletang katulad niya upang mapanatiling malusog at nasa kondisyon ang kanyang katawan. Aniya, mahalagang pangalagaan ng bawat mag-aaral ang kanilang katawan hindi lamang para maging malusog, kundi pati malabanan ang virus.
“Ang pangangalaga sa sarili ay nagpapatibay hindi lang ng pisikal na katawan at immune system, kundi pati na rin ng psychological at emotional aspects dahil kapag malusog ka, masaya at magaan ang pakiramdam mo,” paliwanag niya.
Sumunod sa top 7 ang panonood ng Korean drama series, mga pelikula sa Netfilx, at videos sa Youtube na may kabuuang bilang na 218. Sinundan ito ng paggamit ng cellphone at iba pang gadgets upang makapaglaro ng mobile game at paggamit ng social media kasama na ang Tiktok na may bilang na 210.
Dahil nasa bahay, pinili ng 180 na mga Sagradan ang tumulong sa mga gawaing bahay. May bilang naman na 164 ang mga sumagot na mas pinapaunlad ang sarili sa paggawa ng kanilang mga hobby at interest tulad ng pagluluto, pagguhit, pagbe-bake, at pagtugtog ng mga musical instrument.
Samantala, 149 na mga mag-aaral naman ang inilalaan ang libreng oras para sa family bonding at 144 naman ang piniling magbasa ng mga libro at mag-aral bilang paghahanda sa pasukan.
Ngayong may kinakaharap na health crisis ang mundo at nasa bahay ka lamang, mahalagang humanap ng paraan upang maging makabuluhan ang bawat araw na dumadaan. Nauuso lang din naman ang mga social media challenge ngayon, halina at makiuso sa isang challenge: labanan ang bagot. Ano, kakasa ka ba?
Writer: Jeremie P. Galang
Graphics: Yohanna Elyse Mendoza