HINDI sinang-ayunan ni Glenn Paul Beltran, campus management officer ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF), ang lumabas na resulta ng sarbey na sa 571 na magaaral ng junior high school, 80% ang naniniwalang handa sila sa lindol.
Naniniwala si Beltran na marami pa ring hindi handa sa lindol dahil na rin sa ang ilang mga mag-aaral ay hindi naman sineseryoso ang ilang paghahanda tulad ng earthquake drill.
“Sa tingin ko po ay hindi pa sila handa bagama’t nagtuturo naman tayo sa kanila ng mga simpleng pamamaraan sa mga bata kung ano ang gagawin sa oras ng kalamidad,” pahayag niya.
Naniniwala si Beltran na mas masusukat ang kahandaan ng mga mag-aaral kapag nagkaroon na ng lindol. Aniya, mahalaga na manatili laging kalmado upang malaman ang mga dapat gawin kapag lumindol.
“Mayroon tayong warning signal na patutunugin, kapag narinig ito, huwag kayong magpa-panic, maging kalmado kayo at pagkatapos ng tunog, maaari na tayong lumabas ng ating gusali nang dahan-dahan,” payo niya.
Isinagawa ng Ang Sagradan ang sarbey noong Oktubre 23 upang malaman kung gaano kahanda ang mga Sagradan sa pagtama ng lindol. Sa sarbey, tinanong ang mga napiling mag-aaral ng 15 katanungan.
Batay sa sarbey, 92% ng mga magaaral ang alam ang tunog ng bell para sa lindol, 98% ang nagsabing alam nila ang paggamit ng duck-cover-hold method, 91% ang nagsabing alam nila kung kailan bababa ng gusali pagkatapos ng lindol, 94% ang alam ang gagawin kapag nasa loob ng silidaralan kapag lumindol, 91% ang alam ang gagawin kapag nasa labas ng silid-aralan kapag lumindol, at 93% ang nagpahayag na alam nila ang mga bagay na dapat iwasan kapag may lindol.
Samantala, 84% ng mga magaaral ang alam ang mga ligtas na lugar sa paaralan, 80% ang nagsabing kaya nilang ipaliwanag ang dapat gawin kapag may lindol, 79% ang nagsabing alam nila ang evacuation area, 74% ang nakakakilala sa mga dapat pagtanungan tungkol sa lindol, at 77% ang nagsabing alam nila ang contingency/emergency plan at ang fire exits ng gusali.
Pumalo naman sa 69% ang nakakaalam ng lokasyon ng emergency exits ng paaralan, 53% ang nakakaalam ng evacuation area ng bayan ng Baliwag, at ang may pinakamababang bahagdan ay ang mga nakakaalam ng mg taong bumubuo sa emergency team ng MDSF na may 44 na bahagdan.
Mga guro, inihanda muna
Bilang bahagi ng contingency plan ng MDSF, nagsagawa ng isang seminar tungkol sa earthquake preparedness para sa mga guro na bumubuo sa rescue team ng bawat department na isinagawa sa Preschool Conference Hall, Hulyo 12 at 19.
Naglalayon ang naturang seminar na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon nang maayos na sistema sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng lindol at magamit ng mga guro ang kanilang natutuhan sa kanilang pagtuturo sa mga mag-aaral.
“Nagsisimula talaga ‘yan sa formation. Iyan kasi ang protocol ng isang safety office sa bawat company at insitution. Sila kasi ang inaasahang magha-handle sa emergency situations,” ani Beltran.
Ayon kay Beltran, mahalagang malaman ng mga guro ang dapat nilang gawin sapagkat bahagi ng kanilang tungkulin ang siguraduhing ligtas ang kanilang mga mag-aaral sa anumang sakuna.
Silamor: handa sa lindol ang gusali ng MDSF
Nanindigan si Gng. Maria Cristina Santos-Silamor, punong-guro ng MDSF sa isang panayam na handa ang mga gusali ng high school sa anumang maaaring sakuna gaya ng lindol, Oktubre 4.
“As you can see, mayroon tayong maayos na fire exits at niluwagan na rin natin ang grotto gate kasi doon ang evacuation and we ensured that we followed the Building Code of the Philippines in the construction of our building,” ayon kay Silamor.
Iginiit pa ni Silamor na wala umanong naitalang sira sa nasabing gusali matapos ang mga naganap na lindol sa nitong mga nakaraang buwan.
Kaugnay nito, itinayo ang naunang gusali noong taong 2000, sinundan ng karugtong na gusali noong 2014 at ang karagdagan pang gusali nitong 2019 bunsod ng lumolobong populasyon sa paaralan.
Samantala, hango ang disenyo ng naturang gusali mula sa isang dating mag-aaral ng MDSF na si Monique Villangca, isa na ngayong arkitekto.
Ni Patrick Jason J. Mejilla
#SagradanServantLeadership