Pinatumba ng Montessori De Sagrada Familia ang Immaculate Conception School of Baliuag, 57-18, upang makamit ang tiket tungo sa finals ng 2nd FVE Inter-school Developmental League sa Baliwag Star Arena noong Miyerkules.
Makikipagtuos muli ang Squires sa Living Angels Christian Academy (LACA) na nauna nilang tinalo sa elimination round, ngunit hindi magiging kampante ang koponan sa championship game na gaganapin sa Setyembre.
“We just did our best, but we need to prepare for the upcoming game. LACA is the most competitive team [in the league],” sabi ni coach Honeylene Mangulabnan.
Naging malaki ang lamang ng Squires sa pangunguna ni Gian Marcelo, Keagan Menorca, at ang magkapatid na Gerwyn at Mark Sorsano upang ibaon ang ICSB sa isang 42-point lead.
Umiskor ng siyam na puntos si Gerwyn Sorsano sa second quarter habang nagtala naman ng pitong puntos si Marcelo sa unang yugto lamang.
Pinangunahan nina Marcelo ang isang 17-0 run mula sa 2nd quarter samantalang bumandera naman ang magkapatid na Sorsano sa ikatlong kanto ng laro.
Sinubukan pang humabol ng Immaculate, ngunit masyado nang malaki ang kalamangan kaya kinapos ito sa mga huling minuto ng laro.
Tinapos ng MDSF ang kampanya nito sa elimination round gamit ang apat na sunud-sunod na panalo upang makaharap ang LACA sa finals.
Ni Reuben Ryan Ronas
#SoarhighSagradans #SagradanSportsProgram #SoarhighMDSF