Nagtagisan ng galing at talino ang mga mag-aaral sa mababang paaralan ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF) sa silid-aklatan noong nakaraang Huwebes, ika-17 ng Agosto, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Nagpagalingan ang mga batang pambato ng bawat pangkat mula una hanggang ika-anim na baitang sa lawak ng kanilang kaalaman pagdating sa asignaturang Filipino. Gayundin, sinukat ng nasabing patimpalak ang husay ng mga kalahok base sa kanilang kaalaman sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas.
Ang naturang patimpalak ay nilahukan ng tatlumpung (30) mahuhusay na mag-aaral kada baitang at ang mga tanong na sumukat sa talino ng bawat kalahok ay pinag-isipan at ginawa ng mga guro sa Filipino ng bawat baitang.
Sina Bb. Jennylou Fuentebella at G. Julius Fabian, na pawang tagapayo ng Filipino Club ang siya ring nagsilbing tagapamagitan sa ginanap na tagisan ng talino. Katuwang nila ang kanilang mga opisyales sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Marc James Dioquito ng 6-Sunstone, na nagsilbing mga tagatala ng mga puntos ng bawat kalahok.
Tatlong bata sa bawat baitang ang nagwagi sa naturang patimpalak. Sila ang mga batang nagpamalas ng galing at talino sa wikang pambansa. Ang mga ito ay bibigyan ng pagkilala at parangal sa isang programang gaganapin sa bulwagan ng paaralan sa darating na ika-31 ng Agosto.
Isa lamang ang tagisan ng talino sa mga patimpalak na hinanda ng Filipino Club para sa lahat ng mag-aaral. Layon ng mga programa at aktibidad na ito na pagyabungin ang pagmamahal ng bawat Sagradan sa ating wikang kinagisnan.
Ni: Jomar A. Dela Cruz