“Lumipad ka, Sagradan.”
Ito ang mga katagang binitiwan ni Gng. Maria Cristina S. Silamor, direktres ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF), upang bigyang-wakas ang humigit kumulang na dalawang linggong pagtatagisan ng galing at husay sa iba’t ibang larangan. Ang nasabing pangwakas na pananalita ay umalingawngaw sa MDSF gym noong nakaraang Agosto 11 ng hapon.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pagbabalik ng kulturang nakagisnan sa pamamagitan ng “Katutubong Kasuotan,” na nagpapakita ng angking kisig at ganda ng mga pili at natatanging Sagradan. Hindi rin nagpahuli ang mga guro at administrador, tunay ngang maibabalik ka at maimumulat sa ganda ng kulturang mayroon tayo na tila nakakalimutan na ng ilan.
Kasabay ng pagtatapos ng programa, pinarangalan ang mga natatangi at mahuhusay na kalahok na nagkamit ng medalya at tropeo sa iba’t ibang patimpalak. Ang mga nasabing patimpalak ay ang mga sumusunod:
* Pagbuo ng Slogan
* Paggawa ng Poster
* Pagsulat ng Sanaysa
* Paglikha ng Sariling Tula
* Pagpapalipad ng Saranggola
* Video-Making Contest (Lupang Hinirang)
* Balagtasan
* Sabayang Pagbigkas
* Kilos-Awit
* Himig Sagrada, Tunog Sagrada
* TugMaAn (Tugon ng Makatang Sagradan) kabilang dito ang HugotWika, Spoken Poetry at PickUp Lines Battle
Sa pangunguna ng mga gurong tagapayo ng BukMaFil (Bukluran ng mga Mag-aaral sa Filipino) na sina G. Eric Cauzon at G. Alexander Cunanan at kanilang opisyales ay naging matagumpay ang nasabing pagdiriwang. Sa tulong na rin ni Bb. Roan Estay, na nagdagdag ng sigla sa pagdiriwang bilang guro ng palatuntunan.
Tagumpay ay makakamit kung tulong-tulong at nagkakaisa ang lahat. Mapapatunayan ding, tunay na magaling sa iba’t ibang larangan ang mga Sagradan.
Mabuhay ang Wikang Filipino! Mabuhay ang mga Pilipino! Mabuhay ka Sagradan!
Sa panulat nina Woody Santos, Argy Gatdula at Bb. Roan I. Estay